NCRPO, nagbabala laban sa fake security advisories kaugnay ng 49th ASEAN Summit

0
75

Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pamumuno ni Regional Director PBGen Christopher N. Abrahano, sa publiko laban sa pagpapakalat ng mga pekeng security advisories at mapanlinlang na impormasyon kaugnay ng 49th ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin sa Nobyembre 16–18, 2026.

Bilang hakbang, pinaigting ng NCRPO ang pagbabantay at beripikasyon sa mga impormasyong kumakalat sa social media at iba pang online platforms upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita na maaaring magdulot ng takot, kalituhan, at hindi kinakailangang pangamba sa publiko.

Inatasan din ni PBGen Abrahano ang mga police unit na mahigpit na subaybayan ang mga online announcement hinggil sa umano’y pagsasara ng mga kalsada, banta sa seguridad, restriksiyon sa mga venue, at mga ipinaparatang na insidenteng pang-emerhensiya na may kaugnayan sa summit.

Mahigpit na koordinasyon din sa PNP Anti-Cybercrime Group at mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan ang isinasagawa upang beripikahin ang mga kahina-hinalang post, matukoy ang pinagmumulan ng sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon, at agad na maitama ang mga pekeng ulat. Ipinag-utos din ang pagsisiyasat sa mga kapani-paniwalang banta online at sa mga indibidwal o account na nagpapanggap na awtoridad ng pulisya upang maglabas ng mga pekeng direktiba.

“During a major international event like the ASEAN Summit, false information can create unnecessary alarm, disrupt public movement, and undermine security operations. We will not allow fabricated advisories or the unauthorized use of police identities to mislead the public” (Sa panahon ng isang mahalagang pandaigdigang pagtitipon tulad ng ASEAN Summit, ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring magdulot ng hindi kinakailangang pangamba, makaapekto sa malayang pagkilos ng publiko, at makasagabal sa mga operasyong pangseguridad. Hindi natin hahayaang gamitin ang mga pekeng abiso o ang pagkakakilanlan ng mga pulis nang walang pahintulot upang linlangin ang publiko), ani PBGen Abrahano.

Tiniyak din na ang lahat ng anunsiyong may kaugnayan sa seguridad ng ASEAN Summit ay sasailalim muna sa wastong beripikasyon bago ilabas, habang ang mga paglilinaw ay agad na ipararating sa pamamagitan ng mga opisyal na plataporma ng NCRPO.

Pinayuhan naman ni PBGen Abrahano ang publiko na huwag agad magbahagi ng mga hindi beripikadong post, screenshot, at forwarded messages, lalo na ang mga naglalaman ng mga ulat tungkol sa umano’y emerhensiya o biglaang pagbabago sa mga kaayusan sa seguridad. Hinikayat niya ang lahat na umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo ng NCRPO, PNP, at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak ang katumpakan ng impormasyong natatanggap at naibabahagi.

Patuloy na titiyakin ng NCRPO ang maagap at mapagkakatiwalaang pagbibigay ng impormasyon sa buong panahon ng ASEAN Summit upang matulungan ang mga delegado, residente, commuter, at iba pang sektor na makagawa ng wastong pagpapasya. Kaakibat nito ang adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na nagbibigay-diin sa responsableng pagpapatupad ng tungkulin, pangangalaga sa kaligtasan ng publiko, at pagpapanatili ng tiwala ng mamamayan sa kapulisan.

Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1Ry3vNM7Gy/)

Leave a Reply