Nagpatupad ng mas pinaigting na seguridad sa buong Bicol Region sa pamamagitan ng pag-activate ng KASUROG C.A.R.E. (Crowd Management Advance Reactionary Force Engagement) bilang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 12, 2026.
Ayon sa pamunuan ng PRO 5 na si PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director, kabuuang 4,814 na pulis ang i-de-deploy sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon upang magbigay ng seguridad sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga mamamayan. Tututok ang mga pulis sa crowd control, traffic management, perimeter security, checkpoint operations, at agarang pagtugon sa anumang insidente. Nakaalerto rin ang mga Civil Disturbance Management unit at reactionary forces upang tiyakin ang mabilis na aksyon sakaling magkaroon ng anumang banta sa seguridad.
Bukod sa mga paghahandang ito, patuloy ding isasagawa ng PRO 5 ang iba pang police operations tulad ng anti-criminality patrols, intelligence monitoring, cyber threat surveillance, at operasyon laban sa mga wanted person. Paiigtingin din ang police visibility sa mga transport terminal, lugar ng pagtitipon, at mahahalagang imprastraktura upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.
Pinalakas din ng PRO 5 ang koordinasyon nito sa mga local government unit, katuwang na ahensya, at iba pang stakeholder upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga security measures. Isinasagawa rin ang iba’t ibang community engagement activities, information dissemination, at public safety advisories upang hikayatin ang kooperasyon ng publiko at mapalakas ang kamalayan sa kaligtasan.
Sinabi ni PBGen Erosito na nakahanda ang lahat ng kanilang tauhan upang tiyakin ang seguridad ng publiko sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Hinimok din niya ang mga mamamayan na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga umiiral na alituntunin, at makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan upang maging makabuluhan at ligtas ang paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas.
Source: PNP Kasurog Bicol



