Bilang bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng crime prevention initiatives, matagumpay na isinagawa ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), katuwang ang Regional Civil Security Unit CALABARZON (RCSU 4A), ang “Together Against Theft: A Security and Police Collaboration Forum” noong Hunyo 3, 2026 sa Quezon Capitol Building, Lucena City.
Dumalo sa forum ang 117 security officers at kinatawan mula sa iba’t ibang security agencies, establisimyento, at sektor ng negosyo sa lalawigan. Nagsilbi itong mahalagang plataporma para sa pagpapalitan ng impormasyon at pagpapatibay ng koordinasyon laban sa nakawan, shoplifting, at iba pang krimeng may kaugnayan sa ari-arian.
Binigyang-diin ni PCol Maximo F. Sebastian, Jr., Acting Chief of Regional Staff ng PRO 4A at keynote speaker ng aktibidad, ang mahalagang papel ng pribadong sektor ng seguridad bilang force multiplier ng kapulisan. Aniya, ang tuloy-tuloy na kolaborasyon ng pulisya at security practitioners ay susi sa epektibong pag-iwas sa krimen at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Samantala, ipinaabot ni PCol Romulo A. Albacea, Provincial Director ng QPPO, ang kahalagahan ng mas pinaigting na ugnayan ng law enforcement at pribadong seguridad upang makalikha ng mas ligtas at maayos na kapaligiran para sa publiko at mga negosyo sa Quezon.
Sa ginawang forum, tinalakay ang mga umuusbong na hamon sa seguridad, kasalukuyang trend ng krimen, at mga pinakamahusay na pamamaraan sa pagresponde at pag-iwas sa insidente. Pinagtibay rin ang mekanismo ng koordinasyon at pagbabahagi ng impormasyon upang mas mapabilis ang aksyon sa oras ng pangangailangan.
Sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” nananatiling matatag ang QPPO sa pagtataguyod ng mas pinaigting na pakikipag-ugnayan sa komunidad tungo sa isang ligtas, maayos, at krimen-resilient na Lalawigan ng Quezon.
Source: PNP Quezon PPO/ PRO 4A



