PNP, sinimulan ang pagpapatupad ng Warrant of Arrest laban kay Atong Ang at iba pang akusado

0
624

Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng Warrant of Arrest laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang akusado kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa isang Palace briefing, sinabi ni Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr., Acting PNP Chief, na nakikipag-ugnayan na ang mga tauhan ng PNP sa Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna na naglabas ng mga warrant. Ayon sa kanya, may mga itinalagang PNP teams na kumikilos upang ipatupad ang mga warrant alinsunod sa itinakdang mga pamamaraan at polisiya ng pulisya.

Dagdag pa ni PLtGen Nartatez, natukoy na ng PNP ang ilang posibleng kinaroroonan ni Ang at doon ihahatid ang mga Warrant of Arrest. Binigyang-diin niya na ang lahat ng operasyong isinasagawa ay mahigpit na sumusunod sa proseso ng batas.

Samantala, iniulat ni Police Major General Robert Alexander Morico II, Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na 15 sa 18 akusado ang nasa kustodiya na ng pulisya, kabilang dito ang siyam na pulis at anim na sibilyan. Ang mga sibilyan ay naaresto matapos mailabas ang mga warrant, habang ang mga pulis ay nasa restrictive custody na ng CIDG bago pa man ang paglabas ng mga ito.

Patuloy naman ang manhunt operation laban kay Ang, isang pulis, at isang sibilyan na nananatiling pinaghahanap. Nilinaw din ng korte na not bailable ang kasong Kidnapping with Homicide na isinampa laban sa mga akusado.

Source: https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/972794/atong-ang-missing-sabungeros-pnp-arrest-warrant/story/