PNP, pinalalakas ang integridad, disiplina at kapakanan ng mga Pulis sa 2026

0
597

Mas pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga programa para sa integridad, disiplina, at kapakanan ng mga tauhan bilang bahagi ng PNP Focus Agenda sa 2026. Sa ilalim ng Integrity Monitoring at Morale and Welfare initiatives, layon ng organisasyon na higit pang palakasin ang propesyonalismo, pananagutan, at etikal na pag-uugali sa hanay ng kapulisan.

Ayon kay Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting PNP Chief, hindi lamang pagpapatupad ng patakaran ang layunin ng PNP kundi ang paghubog ng isang kultura ng malasakit, katatagan, at pananagutan. Binigyang-diin niya na patuloy na uunahin ng PNP ang mental health at kabuuang kalagayan ng mga pulis upang maiwasan ang mga insidente at masuportahan sila sa kanilang tungkulin.

Isa sa mga pangunahing hakbang ang Bantay Kaisapan Program ng PNP Health Service, na nagbigay ng libu-libong psychological exams, stress at anger management sessions, counseling, at psychoeducational interventions noong 2025. Tiniyak din ang regular na psychological at psychiatric evaluation ng mga pulis na sumasailalim sa promosyon, recruitment, pagsasanay, at pagbabalik-serbisyo upang matiyak ang kanilang kahandaan.

Pinatatag din ang liderato at mentorship sa pamamagitan ng One-Day Squad Leaders’ Summit at True Leader’s Heart, na naghahanda sa mga squad leader na mamuno nang may malasakit at pananagutan. Kasabay nito, umabot sa 129 porsiyento ng target ang naitalang ulat sa Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM), patunay ng mas pinaigting na operational accountability sa mga yunit ng PNP.

Mahigpit ngunit makatarungang ipinatutupad ang disiplina sa pamamagitan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), na nagsampa ng daan-daang kasong administratibo at kriminal laban sa mga lumabag. Kaakibat nito ang mga programang reformatoryo gaya ng FORMPOLICE, na tumutulong sa mga pulis na maibalik ang disiplina at propesyonal na pagpapahalaga.

Sa kabuuan, iginiit ni PLtGen Nartatez na ang kombinasyon ng preventive care, patas na pagpapatupad ng disiplina, at reformation programs ang susi sa pagbuo ng isang mas matatag at mapagkakatiwalaang kapulisan.

“We will continue to enforce discipline firmly but fairly. Walang sinuman sa ating hanay ang exempted sa pamantayan ng integridad. Sa 2026, mas tutukan natin ang pagpapaigting ng mga programang ito upang mas mapalakas at mapanatili ang integridad, disiplina, at kagalingan ng bawat opisyal. This is how we ensure public trust and a stronger police force,” ani ACPNP Nartatez.