Pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa mga abusadong online lending platforms kasunod ng libu-libong reklamo mula sa publiko kaugnay ng pananakot, pangha-harass, at paglabag sa privacy ng mga nangungutang. Ayon sa pamunuan ng PNP, mahigpit na iniimbestigahan ang mga operators na sangkot sa ganitong iligal na gawain upang mapanagot sa ilalim ng batas.
Batay sa datos, umabot na sa mahigit 47,400 reklamo mula noong 2024, kung saan iniulat ng mga biktima ang pagbabanta, public shaming, at hindi awtorisadong pag-access sa kanilang contact lists. Ipinakita rin sa ilang kaso ang manipulasyon ng mga larawan upang takutin at ipahiya ang mga nangutang—isang gawain na mariing kinondena ng kapulisan.
Ayon kay PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng panlilinlang at pang-aabuso. Dahil dito, inutusan niya ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang operasyon, tugisin ang mga suspek, at bumuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot sa online harassment, paglabag sa Data Privacy Act, at iba pang kaugnay na krimen.
“We documented cases of manipulated photos to humiliate and scare their borrowers. This is not acceptable and this kind of wrongdoing clearly needs police action,” ani PGen Nartatez.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP ACG sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Securities and Exchange Commission (SEC), at National Privacy Commission (NPC) upang matukoy at masampahan ng kaso ang mga lumalabag. Layunin ng koordinasyong ito na mas mapalakas ang kampanya laban sa organisadong online lending abuses sa bansa.
Samantala, muling pinaalalahanan ng PNP ang publiko na maging mapanuri at tiyaking rehistrado sa SEC ang mga online lending platforms bago umutang. Hinikayat din ang mga biktima ng pangha-harass na agad magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang mabigyan ng kaukulang aksyon at proteksyon.



