PNP, ikinatuwa ang pag-apruba ng Senado sa body cam bill

0
343

Malugod na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang pag-apruba ng Senado sa panukalang batas na nag-aatas sa mga law enforcement officer na magsuot ng body-worn cameras sa kanilang mga operasyon, na layong palakasin ang transparency at pananagutan sa hanay ng kapulisan.

Ayon kay PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., matagal nang ginagamit ng Philippine National Police ang body camera para sa katotohanan at pananagutan. Layunin nitong mapalawak ang paggamit nito sa iba’t ibang yunit ng pulisya sa buong bansa, lalo na sa mga operasyon tulad ng pag-aresto, checkpoints, at high-risk operations, upang mas maayos na maitala ang mga gawain ng pulisya.

Saklaw ng Senate Bill No. 1908 o ang “Law Enforcement Body-Worn Camera Act” ang PNP, National Bureau of Investigation, Bureau of Jail Management and Penology, at Philippine Drug Enforcement Agency, na lahat ay inaasahang magsusuot ng body cameras sa kanilang operasyon sa oras na maging ganap na batas ang panukala.

Binigyang-diin ng PNP na ang paggamit ng body-worn cameras ay hindi lamang para sa proteksyon ng publiko laban sa posibleng pang-aabuso, kundi nagsisilbi rin itong panangga sa mga pulis laban sa maling akusasyon at harassment.

Tiniyak ng PNP na patuloy nilang isusulong ang mga reporma at modernisasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko at mapalakas ang propesyonalismo sa kanilang hanay.

Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1271181