Mariing pinaalalahanan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ang publiko na maging mapanuri dahil sa tumataas na kaso ng online scams, lalo na ngayong dumarami ang mamimiling lumilipat sa online shopping upang makatipid sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay PBGen Wilson Asueta, Director ng ACG, inaasahang mas dadami ang mga scammers dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon at kaguluhan sa Middle East. Dahil dito, mas maraming Pilipino ang naghahanap ng mas murang alternatibo sa online platforms, na sinasamantala naman ng mga scammer.
Pinapayuhan ng PNP ang publiko na maging mapanuri sa pagpili ng online sellers. Dapat tiyakin na lehitimo ang mga tindahan, may sapat na customer service, at may malinaw na polisiya sa returns, refunds, at warranties. “Look carefully if these are reputable online selling stores…If there’s a red flag, take care. Be discerning and don’t be fooled,” ani PBGen Asueta.
Iginiit ng PNP na patuloy ang kanilang mga hakbang upang maprotektahan ang publiko laban sa cybercrime at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili sa pamimili online.



