PNP OLCFI at Donate Phils, pinagtibay ang ugnayan para sa mas pinalawak na serbisyong pangkalusugan

0
223

Pinagtibay ng Philippine National Police OLC Foundation, Inc. (PNP OLCFI) at Donate Phils ang kanilang ugnayan upang higit pang mapalawak ang mga programang pangkalusugan at makataong paglilingkod hindi lamang para sa publiko kundi maging ang mga PNP personnel at kanilang pamilya. Layunin ng inisyatibang ito na isulong ang preventive healthcare at mailapit ang mahahalagang serbisyong medikal sa mga kapulisan, kanilang mga pamilya, at mga komunidad.

Kaugnay dito, nagkaroon ng pagpupulong sina Mrs. Myrna J. Reyes, President and Chairwoman ng Donate Phils, at Mr. Agaton Javier, National President ng The Fraternal Order of Eagles, kasama si Mrs. Mary Rose O. Nartatez, National Adviser ng PNP OLCFI, upang talakayin ang mga posibleng kolaborasyon para sa pagpapalawak ng humanitarian initiatives at mga programang pangkalusugan.

Bilang patunay ng kanilang malasakit, nagkaloob ang Donate Phils ng 500 flu vaccines sa PNP OLCFI upang suportahan ang preventive healthcare ng mga kapulisan, kanilang mga pamilya, at iba pang mamamayang kanilang pinaglilingkuran. Ang naturang donasyon ay inaasahang makatutulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kahandaan ng mga police personnel sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Naglatag din ang dalawang organisasyon ng mga plano para sa mga susunod na medical missions at iba pang makataong programa na maghahatid ng dekalidad na serbisyong medikal sa mga komunidad na higit na nangangailangan.

Sa pamamagitan ng matatag na pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na organisasyon, patuloy na isinusulong ng PNP ang mga programang nagtataguyod ng kalusugan, malasakit, at kapakanan ng mamamayan kaakibat pa rin ang patuloy na pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP OLC Foundation, Inc.

Leave a Reply