Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang naganap na vehicular accident kahapon sa Quezon City na kinasangkutan ng isang police vehicle na dala ang mga Persons Under Police Custody (PUPC).
Ayon sa inisyal na ulat, sakay ng naturang sasakyan ang apat na police personnel at anim na PUPC. Lima sa mga PUPC ang idineklarang nasawi habang isa naman ay nasa kritikal na kondisyon. Samantala, apat namang police personnel ang nagtamo ng mga sugat at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang PNP sa mga pamilya ng mga nasawing indibidwal at tiniyak nitong magbibigay ng nararapat na tulong para sa mga nagluluksang pamilya.
“The PNP expresses its deepest condolences to the families of those who lost their lives. We assure the public that appropriate assistance is being extended in coordination with the concerned local government and other relevant agencies,” saad pa ng pahayag.
“A thorough investigation is now underway to determine the circumstances surrounding the incident. This includes a review of operational procedures and any possible lapses, to ensure accountability and prevent similar occurrences in the future,” dagdag pa ng PNP.
Siniguro naman ng pamunuan ng Pambansang Pulisya, sa pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez, Chief, PNP, na handa ang PNP sa pagbabahagi ng katotohanan kaugnay ng nasabing insidente at sa mga update sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Ang PNP ay mananatiling tapat sa katotohanan, magsisilbi nang may malasakit at pananagutan alinsunod sa Bagong PNP, Para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.



