Nagbigay babala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na panatilihin pa ring mag-ingat lalo na sa mga matataong lugar sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng pagnanakaw (theft) sa bansa ngayong taon.
Ayon sa datos, sa unang anim na linggo ng 2026, nakapagtala lamang ang PNP ng nasa 1,488 theft cases sa buong bansa, mababa ng nasa 44 cases o 2.87 percent kumpara sa 1,532 sa parehong panahon noong 2025.
“Magandang senyales ang pagbaba ng kaso, ngunit mahalaga pa rin na maging maingat. Ang theft ay nangyayari sa loob lamang ng ilang segundo kapag may pagkakataon,” ayon pa ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C Nartatez Jr.
Saad pa niya na maaari lamang mangyari ang krimen kapag mabigyan ng oportunidad ang mga kriminal na magnakaw gaya na lamang ng mga hindi binabantayang kagamitan, hindi nakalock na pintuan at mga bintana.
Pinaaalalahanan pa ni PGen Nartatez ang publiko na ugaliing isapuso ang iba’t ibang mga basic safety measures — gaya ng paglalock ng mga pintuan, pag-iingat ng mga mamahaling kagamitan, at pagiging alerto sa mga matatao at pampublikong lugar. Maaari ring agad isumbong sa pinakamalapit na tanggapan o police station o itawag sa 911 sakaling mayroong maganap na parehong mga insidente.
Sa taong 2025, bumaba rin ang focus crimes sa 12.40 percent kumpara sa taong 2024, nasa 4.31percent naman ang ibinaba ng theft cases sa nasabing taon.
“We are encouraged by the improvement in crime rates, and we will continue to maintain police presence through regular barangay patrols, rapid response teams, and community anti-theft initiatives,” dagdag pa ni PGen Nartatez.



