Naaresto ang dalawang suspek at nasamsam ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 6, Brgy. Libaong, Panglao noong Pebrero 17, 2026.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Panglao Municipal Police Station, katuwang ang Provincial Police Drug Enforcement Unit ng Bohol PPO, ang operasyon na nagresulta sa pagkakarekober ng tinatayang 1,296.4 gramo ng shabu na may halagang Php8,815,520, buy-bust money, at isang 9mm pistol na may magazine at mga bala.
Ayon sa ulat, bandang alas-11:58 ng umaga nang maisagawa ang koordinadong operasyon na naglalayong supilin ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa lalawigan. Agad na isinailalim sa kustodiya ng Panglao MPS ang mga naarestong suspek para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Binigyang-diin ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, na walang puwang ang ilegal na droga sa mga komunidad. “Illegal drugs have no place in our communities. We will relentlessly pursue those who break the law. Lahat ng sangkot sa ilegal na droga ay haharap sa hustisya,” aniya.
Muling tiniyak ng pambansang pulisya na hindi titigil ang mga tauhan sa pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.



