PNP, nagbabala sa publiko laban sa solicitation na gumagamit ng pangalan ng mga opisyal ng pulisya

0
41

Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa mga indibidwal na gumagamit ng pangalan o pagkakakilanlan ng mga opisyal at miyembro ng PNP upang manghingi ng pera o tulong pinansyal sa pamamagitan ng tawag sa telepono, text message, social media, at iba pang online platform.

Binigyang-diin ng PNP na hindi ito nanghihingi ng pera mula sa mga indibidwal, pribadong grupo, o publiko. Inaasahan din sa lahat ng opisyal at tauhan ng organisasyon na panatilihin ang propesyonalismo at huwag gamitin ang kanilang posisyon o pagkakakilanlan sa anumang uri ng panghihingi ng pinansyal na tulong.

Pinayuhan ang publiko na beripikahin muna sa pamamagitan ng mga opisyal na channel ng PNP ang anumang kahina-hinalang mensahe o kahilingan bago makipagtransaksiyon. Mariing ipinagbabawal din ang pagpapadala ng pera o pagbibigay ng tulong pinansyal batay lamang sa mga komunikasyong hindi pa napatutunayang lehitimo.

Ayon sa pamunuan ng PNP, magsasagawa ito ng naaangkop na aksiyon laban sa mga indibidwal na nagpapanggap na mga opisyal o tauhan ng pulisya at gumagamit ng kanilang mga pangalan o pagkakakilanlan para sa mapanlinlang na gawain. Maaari ring maharap sa mga kasong kriminal at iba pang kaukulang parusa sa ilalim ng umiiral na mga batas ang mga mapatutunayang responsable.

Hinikayat ng PNP ang publiko na agad na iulat sa kinauukulang awtoridad ang mga kahina-hinalang panghihingi ng pera at hindi awtorisadong paggamit ng pangalan o pagkakakilanlan ng mga pulis. Patuloy na isinusulong ng kapulisan ang mataas na integridad, pananagutan, at proteksiyon ng publiko laban sa panloloko, alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/1BvwtS4H2d/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply