PNP, nag-ulat ng mapayapa at maayos na seguridad sa ikalimang SONA

0
61

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na naging matagumpay ang pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad para sa Ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung saan nanatiling pangkalahatang mapayapa at nasa ilalim ng kontrol ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan.

Mula sa pagsisimula ng security operations hanggang sa pagtatapos ng talumpati ng Pangulo, tiniyak ng PNP ang kaligtasan ng Punong Ehekutibo, mga opisyal ng pamahalaan, mga delegado, at ng publiko. Kasabay nito, iginalang din ng kapulisan ang karapatan ng mga indibidwal at grupo na mapayapang magtipon at ipahayag ang kanilang saloobin.

Minonitor ng PNP ang dalawang pangunahing pampublikong pagtitipon na isinagawa sa Commonwealth Avenue at sa harap ng Sandiganbayan at Commission on Audit sa Quezon City, na dinaluhan ng tinatayang kabuuang 6,000 kalahok. Bagama’t naging mapayapa ang mga aktibidad, may ilang hiwa-hiwalay na insidente na naitala sa ilang lugar.

Arestado ang 39 na indibidwal dahil sa umano’y paglabag sa Quezon City Anti-Vandalism Ordinance, Malicious Mischief, Presidential Decree No. 1829, at ilang probisyon ng Revised Penal Code kaugnay ng paglaban o pagsuway sa awtoridad at paglabag sa kaayusang pampubliko. Agad namang naaksyunan ng mga pulis ang mga insidente sa lugar, kaya’t walang naging malaking epekto ang mga ito sa pangkalahatang seguridad ng okasyon.

Pinuri ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang disiplina at propesyonalismo ng mga pulis na naitalaga sa seguridad ng SONA, gayundin ang kooperasyong ipinakita ng publiko.

Nagpasalamat si PGen Nartatez sa mga mamamayang nakiisa sa pagpapanatili ng kaayusan habang iginagalang ang karapatan ng bawat isa na mapayapang maipahayag ang kanilang saloobin. Aniya, bagama’t may ilang insidenteng nauwi sa pag-aresto dahil sa mga naitalang paglabag sa umiiral na mga ordinansa at batas, agad itong naaksyunan ng mga pulis sa mahinahon at propesyonal na paraan.

Binigyang-pugay rin niya ang mga miyembro ng kapulisan sa ipinakitang disiplina at dedikasyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Iginiit niya na patuloy na paninindigan ng PNP ang patas na pagpapatupad ng batas nang may paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng bawat mamamayan.

Ayon sa PNP, ang matagumpay na security coverage ay sumasalamin sa patuloy nitong pagpapatupad ng maagap at koordinadong police operations alinsunod sa Focused Agenda on Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng batas habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng publiko at ang mga demokratikong kalayaan.

Kasunod ng Ikalimang SONA ni Pangulong Marcos, nananatiling matatag ang PNP sa misyon nitong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na police response, makabuluhang pakikipag-ugnayan sa komunidad, at serbisyong nakabatay sa adhikai ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”

Leave a Reply