Masusing iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naganap na shooting incident sa isang pribadong paaralan sa Barangay Lunzuran, Zamboanga City, nito lamang umaga ng August 18, 2026.
Ayon sa inisyal na ulat, sangkot sa nasabing insidente ang isang Grade 9 student na siyang kinilalang alleged shooter, habang isang Grade 10 student naman ang nasawi.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng kapulisan kung paano nadala ng suspek ang baril sa loob ng paaralan na ginamit sa nasabing insidente, maging ang nagmamay-ari nito at ang iba pang mga legal na dokumentasyon.
Agad namang isinailalim sa police line ang pinangyarihan ng krimen kung saan nagsagawa ang Regional Forensic Unit 9–Scene of the Crime Operations (RFU9-SOCO) ng crime scene examination.
Inatasan naman ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, ang mga concerned units upang isaalang-alang ang maingat at evidence-based na imbestigasyon habang tinitiyak ang pag-iingat sa mga kapakanan ng mga estudyante at ng kanilang mga pamilya.
“Ang prayoridad natin ngayon ay maayos nating malaman ang buong pangyayari at mapanatiling maingat ang ating imbestigasyon. We will follow the facts, coordinate with the concerned authorities, and respect the privacy of the students and their families. Let us allow the proper process to take its course” (Susundin natin ang mga totoo at tamang impormasyon, makikipag-ugnayan sa mga awtoridad, at igagalang ang privacy ng mga estudyante at kanilang mga pamilya. Hayaan nating umusad ang tamang proseso), pahayag pa ni PGen Nartatez.
Samantala, nanawagan ang PNP sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga unverified information, photographs, videos, o anumang mga personal na detalye ng mga sangkot na kabataan at kanilang mga pamilya.
Tiniyak ng PNP na agad maglalabas ng mga impormasyon sakaling mapatunayan ang nasabing mga ebidensya alinsunod sa hangarin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1DQg2QdyJv/?mibextid=wwXIfr


