Mabilis, tapat, at may malasakit na tumugon ang PNP-Maritime Group sa isang maritime emergency matapos makatanggap ng opisyal na distress call mula sa Aleson Shipping Line kaugnay ng passenger vessel na MV Trisha Kerstin 3, na bumibiyahe mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu, madaling-araw ng Enero 26, 2026.
Batay sa nakalap na impormasyon, ang nasabing sasakyang-dagat ay nakaranas ng matinding problema at lumubog habang nasa karagatang sakop ng Baluk-Balok Island, Basilan. Bandang 1:30 ng madaling-araw, agad na nakatanggap ng tawag ang Basilan Maritime Police Station (MARPSTA) at makalipas lamang ang sampung minuto, dakong 1:40 AM, mabilis na rumesponde ang rescue team sakay ng HSTW 13.
Kasabay ng agarang pagresponde, nakipag-ugnayan ang Basilan MARPSTA sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Philippine Coast Guard, Basilan PDRRMO, Regional Maritime Unit 9, at mga LGU ng Basilan, upang paigtingin ang rescue efforts at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Batay sa nakuhang datos mula sa Regional Maritime Unit BAR, bandang 5:00 ng umaga, humigit-kumulang 200 pasahero ang matagumpay na nailigtas. Gayon pa man, dalawang indibidwal, isang teenager at isang menor de edad, ang kumpirmadong nasagip ngunit wala nang buhay. Dalawang sugatang pasahero pa ang agad na inilipat sa Zamboanga City para sa agarang lunas medical.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang search and rescue operations, gayundin ang masusing accounting at pagbibigay ng agarang tulong sa mga nailigtas. Ang mga pasaherong nasagip ay patuloy na inihahatid sa Isabela Port para mabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon, habang isinasagawa ang beripikasyon ng kabuuang bilang ng mga pasahero batay sa manifest ng barko.
Pinuri ng pamunuan ng PNP-Maritime Group ang mabilis at magkakaugnay na pagtugon ng lahat ng katuwang na ahensya at tiniyak na magpapatuloy ang operasyon hanggang sa ganap na mabilang ang lahat ng pasahero at tripulante ng nasabing barko, isang malinaw na pagsasabuhay ng adbokasiya ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas, na nagbibigay ng serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman sa oras ng sakuna.



