Sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., iniulat ang malaking tagumpay ng PNP Highway Patrol Group (HPG) mula Agosto 26 hanggang Nobyembre 30, 2025—mahigit tatlong buwang tuloy-tuloy na operasyon para labanan ang carnapping at iba pang krimen sa kalsada.
Sa panahong ito, 432 na nakaw at carnapped na sasakyan ang matagumpay na nabawi ng HPG—326 na motor vehicles at 106 na motorsiklo—mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nakuha ang mga ito sa pamamagitan ng sunod-sunod na operasyon, checkpoints, anti-carnapping drives, at maayos na koordinasyon sa mga lokal na yunit at partner agencies.
Umabot din sa 113 katao ang nadakip dahil sa pagkakasangkot sa carnapping, highway robbery, at “rent-tangay” na modus. Sa mga operasyon, nakumpiska rin ang siyam na armas—apat na long firearms at limang short firearms.
Sa kabuuan, nakapagsagawa ang HPG ng 51,679 police operations, na nagresulta sa 92 kasong naisampa at 61 Warrants of Arrest na naisilbi laban sa mga wanted sa iba’t ibang rehiyon.
Pinuri ni PLtGen Nartatez ang HPG sa patuloy nitong maaasahang serbisyo.
“These numbers represent more than operations—they represent families protected, livelihoods recovered, and individuals spared from harm,” sabi niya.
“Hindi natin papayagang maging playground ng mga kriminal ang ating mga kalsada. Under my watch, the PNP will move faster, strike harder, and respond smarter.”
Binigyang-diin pa niya na patuloy na itataas ng PNP ang antas ng police visibility at serbisyong may disiplina at malasakit—lalo na sa mga pangunahing kalsada.
“Hindi kayo makakalusot,” aniya. “The PNP is tightening its grip on crime syndicates. Ito ang uri ng police work na isinusulong ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman.”
Sa paglapit ng Kapaskuhan kung kailan mas mabigat ang trapiko at mas maraming nagpaparenta ng sasakyan, nagpaalala si PLtGen Nartatez na doblehin ang pag-iingat. Hinikayat niya ang publiko na tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan, umiwas sa overspeeding, at manatiling alerto lalo na sa gabi.
Nagbigay rin siya ng babala sa pagdami ng mga “rent-tangay” at iba pang scam tuwing holiday season.
“Sa gitna ng Kapaskuhan, may mga kriminal na nakikisabay,” aniya. “Mag-ingat sa mga transaksyon, lalo na sa pagpaparenta ng sasakyan. If something feels off, walk away and report it immediately. Tawag lang sa Unified 911. Mas mabuti nang maingat kaysa mabiktima.”
Tiniyak ng PNP na lalo pang palalakasin ang presensya ng HPG—mula checkpoints hanggang visibility patrols—upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko ngayong Kapaskuhan at pagpasok ng Bagong Taon.



