Pinagtibay ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pakikipag-ugnayan nito sa mga kinatawan ng hudikatura sa isinagawang Evidence Disposal Initiative noong Oktubre 14, 2026, sa PNP National Headquarters, Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City. Layunin ng pagpupulong na bumuo ng mga hakbang para sa mas episyente, maayos, at sistematikong pamamahala at disposisyon ng mga ebidensiya.
Pinangunahan ni PLtGen Neri Vincent D. Ignacio, Officer-in-Charge ng Office of the Deputy Chief PNP for Operations, ang talakayan hinggil sa mga karanasan at natutuhan mula sa centralized evidence disposal initiative ng Southern Police District. Tinalakay rin ang panukalang action plan para sa Memorandum of Understanding (MOU) at ang pagbuo ng Joint Technical Working Group upang palakasin ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga kinauukulang institusyon. Nakiisa rin si Atty. Rochelle Anne O. Obleno, National President ng RTC Clerk of Court Association of the Philippines.
Bahagi ang inisyatibang ito ng PNP Focused Agenda na naglalayong itaguyod ang mas maayos na proseso at responsableng pangangasiwa ng ebidensiya, gayundin ang palakasin ang pakikipagtulungan sa mga katuwang na institusyon, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1DLby1n4oF/)

