Matagumpay na nakarekober ang pinagsanib na pwersa ng kapulisan at ahensya ng pamahalaan ng mga iniwang troso sa Barangay Cawayan, Licuan-Baay, Abra noong Abril 18, 2026, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa illegal logging sa ilalim ng Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon bandang 8:30 ng umaga ng mga operatiba mula sa 1st Abra Provincial Mobile Force Company, sa pangunguna ni PMaj Nelvin P. Garduque, katuwang ang Licuan-Baay Municipal Police Station, RMFB15, PIU, RIU-Abra, at Department of Environment and Natural Resources. Layunin ng operasyon na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas pangkalikasan sa lugar.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen noong Abril 12, 2026, na sinundan ng mga ulat noong Abril 15 tungkol sa umano’y illegal cutting ng mga puno at iniwang lumber sa nasabing lugar. Agad itong inaksyunan sa pamamagitan ng beripikasyon at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ang mga nakuhang kahoy ay maayos na isinuko sa Bantay Gubat at DENR-Abra para sa tamang disposisyon at dokumentasyon, alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa pangangalaga ng kagubatan at likas na yaman.
Muling pinagtibay ng Abra Police Provincial Office ang kanilang dedikasyon sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapatupad ng batas kontra illegal logging, kasabay ng panawagan sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat ang anumang kahalintulad na aktibidad sa mga awtoridad.
Source: 1st Abra PMFC



