Muling pinatunayan ng Philippine National Police – Police Regional Office Cordillera Administrative Region na nananatiling matatag ang kampanya nito laban sa ilogal na droga matapos maaresto ang dalawang drug personalities at makumpiska ang mahigit Php1.5 milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot sa magkakahiwalay na operasyon noong Abril 16, 2026.
Sa Baguio City, naaresto ng mga operatiba ng Baguio City Police Office ang isang 28-anyos na lalaking kabilang sa listahan ng street-level individuals sa isang buy-bust operation sa Barangay City Camp Central. Nakuha mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 1.19 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php12,920.
Sa hiwalay namang operasyon sa bayan ng Lagangilang, nadakip ang isang 29-anyos na lalaki sa bisa ng search warrant na ipinatupad ng pinagsanib na puwersa ng Abra Police Provincial Office at iba pang specialized units ng PNP. Nasamsam sa kanyang bahay ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, isang magazine ng caliber .45, at mga bala na magpapalakas sa kasong isasampa laban sa kanya.
Mas pinalawak pa ng PRO-CAR ang kanilang anti-drug campaign sa pamamagitan ng matagumpay na marijuana eradication operations sa Tinglayan at ilang bahagi ng Benguet. Umabot sa 6,000 fully grown marijuana plants ang natagpuan sa Kalinga, habang 500 halaman at 2,000 gramo ng tuyong marijuana ang nadiskubre sa Kibungan at Bakun.
Tinatayang aabot sa Php1.54 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang iligal na droga sa serye ng mga operasyon. Agad na binunot at sinunog ng mga awtoridad ang mga natagpuang tanim, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng pagtatanim at distribusyon ng marijuana sa rehiyon.
Ang tagumpay ng mga operasyong ito ay bunga ng mas pinaigting na koordinasyon ng mga yunit ng pulisya at ng komunidad. Ipinakita ng PRO-CAR na sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” mas pinaigting ang serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman ng mamamayan laban sa banta ng iligal na droga.
Source: PRO CAR



