Bumaba ang bilang ng focus crimes sa buong SOCCSKSARGEN matapos ipatupad ang programang “Pito Patrol,” isang inisyatibang naglalayong palakasin ang presensya ng pulisya at higit pang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad ayon sa pamunuan ng Police Regional Office 12.
Batay sa datos ng Crime Incident Reporting and Analysis System (CIRAS), bumaba ng 28.1 porsiyento ang mga naitalang focus crimes sa rehiyon. Mula sa 32 insidente noong pre-launch period mula Mayo 20 hanggang Hunyo 4, 2026, bumaba ito sa 23 insidente sa post-launch period mula Hunyo 5 hanggang Hunyo 18, 2026.
Ayon sa PRO 12, nakatulong ang Pito Patrol sa pagpapaigting ng police visibility, pagpigil sa kriminalidad, at pagpapalakas ng ugnayan ng pulisya at komunidad. Bahagi ng programa ang Pito Framework na pinagsasama ang “Soft Approach” o Presence, Interaction, and Assistance at ang “Hard Approach” o law enforcement operations upang maisulong ang layunin ng Safer Cities Initiative.
“Ang Pito Patrol ay simbolo ng ating mas pinaigting na presensya at malasakit sa komunidad. Sa bawat lansangan, naroroon ang ating hangaring tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan,” ani Police Brigadier General Alan B Manibog, Acting Regional Director ng PRO 12.



