Arestado ang isang 51-anyos na suspek na isang drug personality sa kampanya kontra ilegal na droga matapos ang isinagawang operasyon ng Police Regional Office 5 (PRO5) dakong 1:10 ng madaling-araw noong Oktubre 29, 2026, sa Zone 7, Sagrada Familia, Brgy. Peñafrancia, Naga City.
Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PRO5 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director, laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.
Pinangunahan ng City Intelligence Unit/City Provincial Drug Enforcement Unit ang operasyon, katuwang ang Naga City Police Station 3, City Mobile Force Company, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 5.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Cho,” 51 anyos at walang trabaho. Nakumpiska mula sa kanya ang 11 heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 141.2 gramo at tinatayang standard drug price na Php960,160. Narekober din ang isang Colt MK IV Series 80 na .45-caliber pistol na may lamang tatlong bala.
Agad namang isinagawa ng operatiba sa lugar ang imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi alinsunod sa itinakdang proseso.
Batay naman sa paunang beripikasyon sa Investigation Solution System at Comprehensive Integrated Records and Information System (CIRAS), may dalawang naitalang rekord ang suspek kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may petsang Agosto 23, 2017 at Agosto 20, 2022.
Binigyang-diin naman ni PBGen Silvio ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon, masusing paghahanda ng kaso, at mahigpit na pagsunod sa mga legal na proseso upang matiyak ang wastong pangangalaga at ang pagsusumite ng mga ebidensya sa kinauukulang hukuman.
Samantala, hinikayat naman ng PRO5 ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga upang manatiling ligtas at mapayapang Bicol Region, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1EQnDpVw6d/

