Php887K halaga ng smuggled na sigarilyo, nasamsam ng Makilala PNP; negosyante, arestado

0
29

Nasamsam ang nasa Php887,791 halaga ng mga pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo sa magkahiwalay na operasyon ng Makilala Municipal Police Station katuwang ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) at mga opisyal ng Barangay Kawayanon noong Hunyo 19, 2026 sa Makilala, North Cotabato.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Tristan Vergel Sablada, hepe ng Makilala Municipal Police Station, isang Nissan minivan na nasangkot sa isang vehicular crash at nadiskubreng may kargang smuggled na sigarilyo. Tumambad sa pulisya ang dalawang kahon ng Fort White Menthol cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php75,000.

Kinilala ang suspek na isang 25-anyos na negosyante at residente ng Digos City, Davao del Sur.

Samantala, nabatid na isinuko ng mga opisyal ng Barangay Kawayanon sa pulisya ang karagdagang mga pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo na natagpuan ng isang miyembro ng BPAT sa madamong bahagi ng Purok 1 ng naturang  barangay. Binubuo ito ng 19 na kahon o 950 reams ng Fort White Menthol cigarettes na may tinatayang halagang aabot sa Php812,791.

“Muli, ipinapakita natin na ang pagtutulungan ng PNP, mga barangay opisyal, at ng komunidad ay mahalaga sa pagpapatupad ng batas at pagpigil sa mga ilegal na aktibidad. Patuloy kaming magsisikap upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa lalawigan ng Cotabato,” ani ni Police Colonel Ramel B. Hojilla, Provincial Director ng Cotabato Police Provincial Office.

Leave a Reply