Dalawang magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga ang matagumpay na isinagawa ng Police Regional Office CALABARZON (PRO 4A) sa mga lalawigan ng Cavite at Rizal, na nagresulta sa pagkasamsam ng tinatayang Php714,000 halaga ng hinihinalang shabu at pagkaaresto ng limang indibidwal, kabilang ang dalawang High Value Individuals (HVI).
Ayon sa ulat, unang isinagawa ang operasyon dakong 10:15 ng gabi noong Nobyembre 12, 2025 sa San Miguel Compound, Barangay San Juan, Taytay, Rizal, kung saan nahuli ang apat na suspek na kinilalang sina alyas “Jandi,” 45-anyos, HVI; alyas “Daryl,” 35; alyas “Jeff,” 32; at alyas “Owen,” 42.
Nasamsam sa kanila ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 55 gramo at halagang Php374,000, kasama ang mga kagamitang ginagamit sa pagsusugal at drug paraphernalia.

Makalipas ang halos isang oras, bandang 11:00 ng gabi, nagsagawa naman ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Cavite Provincial Drug Enforcement Unit sa Dasmariñas City, Cavite, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang HVI na kinilala lamang bilang alyas “Amo,” residente ng Barangay Datu Esmael.
Nakumpiska sa operasyon ang apat na heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na higit 50 gramo at tinatayang halagang Php340,000, kasama ang marked money na ginamit sa transaksyon.
Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165, o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Bukod dito, sasampahan din ng kaso sa ilalim ng Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling ang mga suspek na nasakote sa Taytay, Rizal.
Pinuri ni PBGen Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang mga operatiba ng Taytay Municipal Police Station at Dasmariñas City Police Station sa kanilang matagumpay na operasyon.
“Let this accomplishment serve as an inspiration for all our drug operatives to strive further and work even harder to ensure a drug-free CALABARZON,” pahayag niya.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni ASN Noel D Elpedes Jr PN



