Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang 1,096.9 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na Php7,458,920.00 nito lamang Abril 27, 2026 sa Barangay Dampas, Tagbilaran City.
Pinangunahan ang naturang buy-bust operation ng mga operatiba ng Tagbilaran City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa pamumuno ni Police Lieutenant Greg B. Reyes, sa ilalim ng superbisyon ni Police Lieutenant Colonel Joey Malarre Bicoy, Officer-In-Charge ng Tagbilaran City Police Station.
Naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng koordinasyon ng iba’t ibang yunit tulad ng RID 7, RPDEU 7, RID 8 Tracker Team, PDEG SOU 7, PIU/PDEU BPPO, Bohol Maritime Police Station, at PDEA Bohol Satellite Office.
Sa nasabing operasyon, dalawang suspek ang naaresto, isang 48-anyos na lalaki na itinuturing na High Value Individual (HVI), at isang 20-anyos na lalaki na itinalaga naman bilang Street Level Individual (SLI).
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek.
Pinuri naman ni PCol Patricio C. Degay Jr., Provincial Director ng Bohol Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon. Aniya, malaking tagumpay ito para sa komunidad dahil napigilan ng kapulisan ang posibleng masamang epekto ng iligal na droga kung ito ay nakalusot.
Hinihikayat din ng Bohol Police Provincial Office ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan sapagkat ang pagkakaisa ng komunidad at mga awtoridad ay mahalaga upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at makamit ang layunin ng isang drug-free na lalawigan.
Panulat ni Pat Flora Mae Asarez



