Arestado ang dalawang indibidwal at nasabat ang nasa Php68 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard, Barangay 76, Pasay City nito lamang Sabado, Hunyo 6, 2026.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ron,” 41 anyos, lalaki, residente ng Barangay Santa Isabel, Dipolog City, at alyas “Bai,” 32 anyos, babae, residente ng Barangay Divisoria, Zamboanga City na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office–National Capital Region Northern District Office, Philippine National Police Drug Enforcement Group – Special Operation Unit NCR (PNP DEG SOU NCR), at Pasay City Police Station 1 na nagresulta sa pagkakasabat ng nasa humigit-kumulang 10,000 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na aabot sa Php68 milyon.
Ang matagumpay na operasyon ng PNP at PDEA ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatupad ng mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad, alinsunod sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”



