Nasabat ang tinatayang Php680,000 halaga ng shabu at baril mula sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City Police Station sa kahabaan ng Saint Joseph Street, Barangay. Moonwalk, Parañaque City dakong 5:30 ng umaga, nito lamang Miyerkules, Hulyo 9, 2025.
Pinangunahan ng mga operatiba sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Nicolas Salazar Piñon, Officer-In-Charge ng Parañaque CPS, ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kina alyas “Ian”, 33, at alyas “Makud”, 35, matapos maaktuhang nagbebenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer.
Narekober mula sa mga suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 100 gramo at tinatayang aabot sa Php680,000, marked money, coin purse, digital weighing scale, Android phone, isang kalibre .45 na baril na walang serial number, at magasin na may apat na bala.
Paglabag naman sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) ang kahaharapin ng mga suspek.
Pinasalamatan naman ni Police Brigadier General Randy Y. Arceo, Acting District Director ng Southern Police District, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, “Ang tagumpay na ito ay patunay ng mas pinaigting na kampanya ng Southern Police District laban sa ilegal na droga. Sa tulong ng intelligence-driven policing, patuloy tayong magsasagawa ng mga hakbang upang linisin ang ating komunidad at panatilihing ligtas ang bawat lansangan para sa mamamayan.”
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos



