Nasabat ang nasa mahigit Php680,285 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa COMELEC checkpoint operation ng mga awtoridad sa Barangay Daguan, Kapatagan, Lanao del Sur nito lamang Hulyo 27, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Christopher N Abecia, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, naharang ng kapulisan ang isang puting Ford Ranger na may Plate No. NBM 9141 na nagmula sa Picong, Lanao del Sur at papunta sana sa Parang, Maguindanao del Norte.
Narekober sa loob ng sasakyan ang nasa 895 reams na nagkakahalaga ng Php680,265 mula sa suspek na si alyas “Abdulbasit”, 38 anyos, may-asawa, residente ng Zamboanga City at nahaharap sa kasong Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay na nananatiling alerto at committed ang ating kapulisan sa pagpapatupad ng batas. Patuloy nating paiigtingin ang ating checkpoint operations upang mapigilan ang pagpasok at pagbiyahe ng mga ilegal na kontrabando at iba pang ipinagbabawal na aktibidad, lalo na ngayong election period. Makakaasa ang publiko na ang PRO BAR ay mananatiling matatag sa ating kampanya laban sa smuggling at iba pang paglabag sa batas, habang tinitiyak ang ligtas, mapayapa, at maayos na halalan sa Bangsamoro,” mensahe ni RD Abecia.
Source: Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region



