Arestado ang dalawang suspek habang nasamsam ang humigit-kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu sa pagpapatupad ng search warrant operation ng Police Regional Office 12 (PRO12) sa Brgy. Raradangan, Alamada, Cotabato, dakong 5:09 ng madaling-araw, noong Oktubre 29, 2026.
Pinangunahan ng Alamada Municipal Police Station ang operasyon katuwang ang Cotabato Police Provincial Office–Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit ng CPPO, Regional Intelligence Division 12 Special Tactical Team, Regional Intelligence Unit 12, 2nd Company ng Provincial Mobile Force Battalion, at 1203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12.
Nasamsam sa operasyon ang 19 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 100 gramo na nagkakahalaga ng PhP680,000, isang Remington caliber .45 pistol, isang steel magazine para sa caliber .45 pistol, at anim na bala ng parehong kalibre.
Binigyang-diin ni PBGen Alan B. Manibog, Regional Director ng PRO 12, ang kahalagahan ng tuloy-tuloy at intelligence-driven na operasyon laban sa ilegal na droga, gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng mga operasyong nakabatay sa impormasyon at koordinasyon ng ating mga yunit. Titiyakin natin ang maayos na paghawak sa mga nakuhang ebidensya at ang pagsunod sa tamang proseso upang mapanagot sa batas ang mga mapatutunayang lumabag dito,” ani RD Manibog.
Source link: https://www.facebook.com/share/p/1FfeYWfKKH/

