Php5.26M halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam ng PRO 6; 22 suspek, arestado

0
364

Arestado ang siyam na drug personalities at 13 wanted persons ng mga tauhan ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa magkakahiwalay na operasyon sa Western Visayas sa loob lamang ng 24 oras, habang umabot sa halagang Php5,256,400 at humigit-kumulang 773 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.

Batay sa datos ng Regional Operational Accomplishment Dashboard, mula 6:00 ng umaga ng Oktubre 14 hanggang 5:59 ng umaga ng Oktubre 15, 2026, nakapagsagawa ang PRO6 ng limang anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam na drug personalities.

Samantala, sa kaparehong oras, 13 wanted persons naman ang naaresto sa magkakahiwalay na manhunt operations. Kabilang dito ang dalawang Provincial Most Wanted Persons, dalawang wanted persons sa municipal level, at siyam na Other Wanted Persons.

Ayon kay PRO6 Regional Director PBGen Randulf T Tuaño, ang magkakasunod na tagumpay ay nagpapakita ng kahalagahan ng intelligence-driven operations, koordinasyon ng mga yunit ng kapulisan, at mabilis na pagtugon sa mga impormasyong nakakalap mula sa komunidad.

“Ang pagkakasamsam ng mahigit Php5.2 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga at pagkakaaresto ng mga wanted person sa loob lamang ng 24 oras ay malinaw na nagpapakita ng ating tuloy-tuloy na pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Western Visayas. Patuloy nating tututukan ang mga pinagmumulan at distribusyon ng ilegal na droga, kasabay ng mas pinaigting na pagtugis sa mga taong pinaghahanap ng batas. Walang puwang ang kriminalidad sa ating mga komunidad,” pahayag ni PBGen Tuaño.

“Kinikilala at pinasasalamatan natin ang ating mga kababayan na nagbabahagi ng mahahalagang impormasyon na nakatutulong sa matagumpay na operasyon at pagkakaaresto ng mga sangkot sa ilegal na gawain. Ang inyong tiwala at pakikipagtulungan ay mahalagang bahagi ng ating kampanya. Makaaasa kayo na patuloy naming pangangalagaan ang inyong kaligtasan habang isinasagawa ang mga operasyong naaayon sa batas at may paggalang sa karapatang pantao,” dagdag niya.

Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Tuaño, nananatiling nakatuon ang PRO6 sa intelligence-driven, technology-enabled, at community-centered policing upang makapaghatid ng Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

(PNP-RPIO6)

Leave a Reply