Mahigit Php9.8M halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa malawakang operasyon ng PNP; 11 suspek, arestado

0
313

Aabot sa 11 suspek ang naaresto at halos 1.51 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php9.82 milyon ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang panig ng bansa mula Oktubre 14 hanggang madaling-araw ng Oktubre 15, 2026.

Naitala sa Iloilo City at Pototan, Iloilo ang pinakamalaking kumpiskasyon, kung saan anim na suspek ang naaresto at tinatayang 650 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php4.42 milyon ang nasamsam sa dalawang operasyon. Sa Malate, Manila, dalawang suspek ang naaresto at 400 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php2.27 milyon ang nakumpiska. Samantala, sa Subic, Zambales, isang indibidwal ang naaresto at 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php2.04 milyon ang narekober.

Sa Toril, Davao City, nasamsam ang humigit-kumulang 158.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php1.08 milyon, kasama ang isang kalibre .38 na rebolber. Sa Mauban, Quezon, naaresto naman ang isang wanted person na nahaharap sa kasong murder, at narekober mula sa kanyang pag-iingat ang tinatayang 1.46 gramo ng hinihinalang shabu. Ang lahat ng naaresto ay sumasailalim sa kaukulang proseso alinsunod sa batas, habang ang mga nakumpiskang ebidensiya ay isinailalim sa wastong imbentaryo, dokumentasyon, at pagsusuri sa laboratoryo.

Binigyang-diin ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez na mahalaga ang tuloy-tuloy na pangangalap ng impormasyon at koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya upang matukoy at maputol ang mga daluyan ng ilegal na droga. Aniya, “Hindi natatapos ang trabaho sa pagkakaaresto o pagkakasamsam. We have to make sure that the evidence is properly handled and that the cases are built the right way (Kailangan nating tiyakin na maayos ang paghawak sa mga ebidensiya at paghahanda ng mga kaso). Ganoon natin ipinapakita na seryoso tayo sa ating tungkulin at mapagkakatiwalaan tayo ng publiko.”

Nakiisa sa mga operasyon ang iba’t ibang yunit ng PNP, kabilang ang mga Police Regional Office, Drug Enforcement Group, Regional Intelligence Divisions, at mga lokal na himpilan ng pulisya, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Kaakibat ng PNP Focused Agenda, partikular ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), ipinakikita ng mga operasyong ito ang kahalagahan ng maagap at koordinadong pagkilos batay sa mapagkakatiwalaang impormasyon at maingat na pagpaplano.

Tiniyak ni PGen Nartatez na magpapatuloy ang PNP sa pagsasagawa ng mga lehitimong operasyon nang may disiplina at paggalang sa due process, kasabay ng pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensiya at komunidad.

Patuloy na isinusulong ng kapulisan ang proteksiyon ng publiko laban sa masasamang epekto ng ilegal na droga at ang paghahatid ng serbisyong may pananagutan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1NK7rVE1mH/)

Leave a Reply