Patuloy ang pagpapaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pamumuno ni PMGen Anthony A. Aberin, sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga matapos ang dalawang magkahiwalay na operasyon sa Mandaluyong at Taguig City na nagresulta sa pagkakasamsam ng kabuuang 72.4 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php492,320 at pagkakaaresto sa dalawang adult suspects, habang isang 15-anyos na Child in Conflict with the Law (CICL) ang nailigtas at naiturn-over sa nararapat na pangangalaga.
Sa Mandaluyong City, isang follow-up investigation kaugnay ng naiulat na nawawalang cellphone noong Agosto 19, 2026 ang humantong sa mga operatiba sa isang 22-anyos na tricycle driver at isang 15-anyos na CICL sa Sergeant Bumatay Street, Barangay Plainview. Tinangka ng dalawa na tumakas ngunit agad silang na-intercept ng mga rumespondeng pulis. Narekober ang humigit-kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php340,000, digital weighing scale, isang tricycle at dalawang evidence pouch. Inihahanda ang kaukulang reklamo laban sa adult suspect, habang ang CICL ay itinurn over sa Bahay Pag-asa Youth Center para sa pansamantalang kustodiya at assessment of discernment.
Samantala, sa Taguig City, isang 26-anyos na indibidwal na kabilang sa listahan ng street-level drug personalities ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation dakong alas-1:30 ng madaling-araw noong Agosto 20 sa C-5 Road Southbound Overpass, Minipark, Barangay Fort Bonifacio. Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 22.4 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php152,320, kasama ang buy-bust money, boodle money at isang coin purse. Inihahanda ang mga kaukulang reklamo laban sa suspek dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165.
Binigyang-diin ni PMGen Aberin na nananatiling malinaw ang paninindigan ng NCRPO na walang puwang ang ilegal na droga sa mga komunidad. Patuloy aniyang paiigtingin ng NCRPO ang mga operasyong nakabatay sa maaasahang impormasyon upang matukoy, mapanagot at mapigilan ang mga indibidwal na sangkot sa pagbebenta at pagpapakalat ng ilegal na droga.
Nakaangkla ang mga hakbang na ito sa Focused Agenda ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa pagsusulong ng makatarungan at may pananagutang pagpapatupad ng batas, habang tinitiyak ang buong proteksiyong ipinagkakaloob ng batas sa mga menor de edad. Sa ganitong paraan, patuloy na isinasabuhay ng PNP ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa mas ligtas at drug-free na mga pamayanan.
Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1LPA8fAaUe/)



