Inaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang tatlong High-Value Individuals (HVIs) matapos nakumpiska ang humigit-kumulang 70 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na PhP476,000.00 sa isang buy-bust operation na isinagawa bandang 7:37 PM noong Hulyo 14, 2026, sa Brgy. San Isidro, Jaro, Lungsod ng Iloilo.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Toto Jun-Jun,” 25 taong gulang, construction worker; “Bel-Bel,” 19 taong gulang; at “Joe,” 60 taong gulang. Lahat sila ay residente ng nasabing lugar at nakatala bilang mga High-Value Individuals (HVIs).
Batay sa paunang imbestigasyon, si alyas “Toto Jun-Jun” ang pangunahing target ng operasyon at halos isang buwan nang minamanmanan ng mga operatiba dahil sa kanyang umano’y pagkakasangkot sa pamamahagi ng ilegal na droga sa Jaro at mga karatig na distrito ng Lungsod ng Iloilo. Lumabas din sa paunang imbestigasyon na ang dalawa pang naarestong suspek ay umano’y nagsisilbing mga kasamahan niya sa ilegal na kalakalan ng droga.
Nakumpiska sa operasyon ang limang heat-sealed na transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust money, at iba pang drug at non-drug evidence.
Pinuri ni Acting Regional Director, Police Brigadier General Randulf T Tuaño, ang mga operatiba sa panibagong matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga at muling iginiit ang matatag na paninindigan ng PRO6 na buwagin ang mga drug network na patuloy na nag-o-operate sa rehiyon.
“Walang ligtas na kanlungan ang mga sangkot sa ilegal na droga sa Kanlurang Visayas. Patuloy nating paiigtingin ang intelligence gathering, palalakasin ang ating law enforcement operations, at higit pang paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa ating mga partner agencies upang matukoy, maaresto, at mapanagot ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga,” ani PBGen Tuaño.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Iloilo City Police Station 9 ang mga naarestong suspek at sasampahan ng kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Alinsunod sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” nananatiling matatag ang PRO6 sa kampanya nito laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na intelligence-driven operations, mas pinaigting na inter-agency collaboration at aktibong pakikilahok ng komunidad.



