Nasamsam ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR) ang 76 master cases ng hinihinalang puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng Php4,354,800 at naaresto ang dalawang suspek sa Brgy. Balicotoc, Ilog, Negros Occidental, noong Oktubre 18, 2026.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Division ng PRO NIR ang operasyon sa koordinasyon ng Ilog Municipal Police Station (MPS), Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit-NIR, Regional Highway Patrol Unit-NIR, 4th Special Operations Unit-Maritime Group, Regional Intelligence Unit-NIR, Provincial Intelligence Unit ng NOcPPO, Coast Guard-NIR, at mga tauhan ng Bureau of Customs. Naaresto ang dalawang suspek na kinilala sa mga alyas na “Mak,” 44 anyos, at “Mar,” 24 anyos, kapwa residente ng Dipolog City, Zamboanga del Norte, matapos umanong mahuling nagdadala at may kustodiya ng mga sigarilyong nakalulan sa isang canter/wing van.
Sa paunang pagsusuri, lumitaw na ang mga nakumpiskang produktong tabako ay umano’y walang kaukulang permit at hindi nagtataglay ng itinakdang Graphic Health Warnings. Posibleng may paglabag ang mga ito sa Republic Act No. 10643 at iba pang umiiral na batas at regulasyon, na sasailalim pa sa karagdagang imbestigasyon at pagpapasiya ng mga kinauukulang awtoridad. Nasa kustodiya na ng Ilog MPS ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa wastong dokumentasyon, imbentaryo, at disposisyon alinsunod sa mga itinakdang proseso.
Pinuri ni PBGen Rudecindo L. Reales, Regional Director ng PRO NIR, ang mga operatiba at katuwang na ahensiya sa kanilang koordinadong pagkilos. Dagdag pa niya, “We will not allow cigarette smuggling and the illegal movement of illicit goods to go unchecked in the Negros Island Region. We will sustain our operations, strengthen our coordination with partner agencies, and pursue those involved in these activities in accordance with the law. Our commitment is clear: to protect legitimate trade, enforce the law without compromise, and ensure that no one is above accountability” (Hindi namin hahayaang magpatuloy nang walang aksiyon ang pagpupuslit ng sigarilyo at ilegal na pagdadala ng mga ipinagbabawal na produkto sa Negros Island Region. Ipagpapatuloy namin ang aming mga operasyon, paiigtingin ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya, at hahabulin alinsunod sa batas ang mga sangkot sa mga gawaing ito. Malinaw ang aming paninindigan: protektahan ang lehitimong kalakalan, mahigpit na ipatupad ang batas nang walang kompromiso, at tiyaking walang sinuman ang makaliligtas sa pananagutan).
Patuloy na paiigtingin ng PRO NIR ang mga operasyon laban sa pagpupuslit ng sigarilyo at iba pang uri ng ilegal na kalakalan sa rehiyon. Hinikayat din ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at pagsunod sa batas, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO NIR (https://www.facebook.com/share/p/1CEVsh7YH2/)

