Sa isang matagumpay na operasyon, naaresto ng magkasanib na puwersa ng PDEA RO5–Regional Special Enforcement Team 1 bilang lead unit, katuwang ang PDEA RO5 BDCP, PDEA Albay PO, PDEA RSET 2 at Legazpi City Police Station, ang isang drug personality matapos makumpiskahan ang tinatayang Php374,000 halaga ng hinihinalang shabu, kasama ang Php10,000 halaga ng likidong marijuana, at iba pang ebidensiya sa isinagawang buy-bust operation sa Legazpi City noong Agosto 20, 2026.
Bandang alas 7:13 ng gabi nang maaresto ang suspek na kinilalang si alyas “Mark,” nasa hustong gulang at residente ng Legazpi City.
Nakumpiska rin mula sa kanyang pag-iingat ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 5 gramo at nagkakahalaga ng Php34,000, isang plastic bag na naglalaman ng parehong shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 50 gramo at nagkakahalaga ng Php340,000; likidong hinihinalang marijuana na tinatayang tumitimbang ng 4 na gramo at nagkakahalaga ng Php10,000; apat na hinihinalang cannabis vape carts; at isang glass tube na may tuyong dahon na may mga namumungang bahagi.
Narekober din sa operasyon ang buy-bust money, isang iOS phone, apat na maliliit na plastic container na pinaglagyan ng hinihinalang cannabis vape carts, at isang Nissan sedan. Sa kabuuan, umabot sa 55 gramo ang nakumpiskang hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na may Standard Drug Price na Php374,000.
Ang lahat ng nakumpiskang ebidensiya ay isinailalim sa wastong pagmamarka, imbentaryo at pagkuha ng larawan sa presensya ng suspek at mga saksi, at dokumentado gamit ang body-worn Cameras ng mga operatiba ng PDEA.
Ang operasyon ay bahagi rin ng intelligence-driven strategy ng PRO5 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director, at ng Serbisyong “NOEL” ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay PPO.
Ayon kay PCol Nuñez, patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang parehong mga operasyon upang mapanagot ang mga nagbebenta ng ilegal na droga at mapanatiling ligtas ang mga komunidad alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1MRpXCMqeZ/



