Php368K halaga ng droga, nasamsam ng Bulacan PNP; 22 indibidwal, arestado

0
422

Matagumpay na nagsagawa ang Bulacan Police Provincial Office ng magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng labing-dalawang (22) indibidwal noong Enero 13 at 14, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon sa ulat ni PMaj Ian T Sanchez, Officer-In-Charge ng Guiguinto MPS, ang operasyon ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas “Manny”, 43 taong gulang; at alyas “Mike”, 34 taong gulang.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang sampung (10) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang 15.38 gramo at may Standard Drug Price na Php104,584, gayundin ang isang (1) pirasong limang daang piso na ginamit bilang buy-bust money.

Samantala, batay sa ulat ng mga Hepe ng Pulisya ng Hagonoy, San Miguel, Malolos, Norzagaray, San Rafael, Calumpit, San Miguel, Marilao, Guiguinto, at Bustos Police Stations, nagsagawa ng magkakahiwalay na drug buy-bust operations ang kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakasamsam ng 30 sachet ng hinihinalang shabu at limang (5) sachet ng tuyong dahon ng marijuana na may tinatayang kabuuang halaga na Php263,888, kasama ang mga ginamit na buy-bust money.

Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ”Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” na isasampa laban sa kanila.

Ayon kay PCol Angel L Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na isinusulong ng Bulacan Police ang mga operasyong kontra ilegal na droga bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa kapayapaan at seguridad ng publiko sa lalawigan ng Bulacan.

Source: https://www.facebook.com/share/p/17t9AzHGpj/