Nasabat ang nasa Php353,600 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip ng isang lalaking suspek sa Brgy. J.P. Laurel, Panabo City, Davao del Norte, noong Setyembre 29, 2026.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Jay B Nocidal, Officer-in-Charge, Panabo City Police Station, ang suspek na si alyas “Tatay,” 56 anyos, residente ng Brgy. Visayan Village, Tagum City, Davao del Norte na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan, katuwang ang mga tauhan ng 2nd Davao del Norte Provincial Mobile Force Company, Davao del Norte Provincial Intelligence Unit at PDEA Davao del Norte.
Napag-alaman na naaresto ang suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer. Nakumpiska mula sa suspek ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 52 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php353,600.
Patuloy namang hinihikayat ng Panabo City Police Station ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang tao o aktibidad sa kanilang lugar. Layunin ng naturang operasyon na mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga at mapanatili ang ligtas, maayos, at mapayapang komunidad na naaayon sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

