Isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto matapos mahuling nagbebenta ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer sa isinagawang buy-bust operation noong Hunyo 3, 2026 sa Brgy. Triangulo, Naga City.
Kinilala ang suspek na may alyas na “Junnie,” nasa hustong gulang at residente ng Camarines Sur.
Pinangunahan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V (PDEA ROV) ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng Naga City Intelligence Unit (CIU), City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), at Police Station 5 ng Naga City Police Office (NCPO).
Sa operasyon, nakumpiska mula sa pag-iingat at kontrol ng suspek ang humigit-kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php 340,000.00.
Pinuri naman ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), ang mga operatibang nanguna sa operasyon at muling pinagtibay ang matatag na paninindigan ng PRO5 laban sa ilegal na droga.
Ayon kay PBGen Miranda, patuloy na paiigtingin ng PRO5 ang mga operasyong nakabatay sa intelligence information at pagpapatupad ng batas upang matukoy, matunton, at maaresto ang mga indibidwal na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Binigyang-diin din niya na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kapulisan, mga katuwang na ahensya, at ng komunidad, mas mapapalakas ang kampanya upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga at mapanatili ang ligtas at mapayapang pamayanan sa buong Rehiyon ng Bicol na naaayon sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



