Umabot sa tinatayang Php1.8 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa isinagawang checkpoint operation sa bayan ng Banisilan, Cotabato Province noong Hunyo 4, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Alan B Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12, naharang ng mga operatiba ang tatlong Toyota Revo na minamaneho nina alyas “Bingo,” “Coco,” at “Bentong.”
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa loob ng mga sasakyan ang iba’t ibang uri ng mga kontrabandong sigarilyo na umabot sa 2,142 reams na may tinatayang market value na Php1.8 milyon.
“Hindi tayo titigil sa pagsugpo sa smuggling sapagkat bawat kontrabandong nasasabat ay tagumpay para sa batas, ekonomiya, at kapakanan ng mamamayan,” pahayag ni PBGen Manibog.
Ang ganitong pinaigting na programa ng PRO12 ay nagpapatunay lamang na walang puwang ang ilegal na kalakalan sa buong Rehiyon at hindi titigil ang pamunuan ng PRO12 upang tuluyang mapuksa ang pagkalat ng mga ilegal na kargamento sa lugar, para sa katuparan ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



