Arestado ang isang lalaking suspek matapos masamsam ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php340,000 sa isinagawang joint buy-bust operation sa Barangay EJC Montilla, Tacurong City, noong Agosto 15, 2026.
Kinilala ni Police Brigadier General Alan B Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, ang naaresto na si alyas “Ronny,” 39 taong gulang, residente ng Barangay Fatima, General Santos City.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Tacurong City Police Station at Sultan Kudarat PDEA 12 laban sa suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Narekober sa operasyon ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 50 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na Php340,009, isang Android cellphone, XRM motorcycle, at marked money.
“Ang pagkakasamsam ng 50 gramo ng hinihinalang shabu ay isang malaking hakbang sa ating laban kontra ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon at pakikipagtulungan sa PDEA upang maprotektahan ang ating mga komunidad laban sa panganib ng ilegal na droga.” pahayag ni PBGen Manibog.



