Nakumpiska ang tinatayang Php312,000 halaga ng shabu mula sa isang drug personality sa ikinasang operasyon ng Antipolo City Component Police Station (CCPS) dakong alas-6:00 ng gabi ng Hunyo 13, 2025 sa Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Mark Henry A Garcia, Officer-In-Charge ng Antipolo CCPS, ang suspek na si alyas “Putol”, 48 anyos, walang trabaho, residente ng Sitio Gipit, Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal at ang nakatakas na si alyas “Janha”.
Nasamsam mula kay “Putol” ang pitong (7) sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 46 gramo at nagkakahalaga ng Php312,800, isang (1) coin purse at Php800 cash na hinihinalang ginamit sa transaksyon.
Nahaharap si “Putol” sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” habang patuloy ang manhunt kay alyas “Janha”.
Patuloy ang Rizal PNP sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaayusan sa lalawigan.



