Php31.76M hinihinalang ilegal na droga, narekober ng PRO6; 152 suspek, arestado sa buwan ng Oktubre

0
367

Mahigit Php31.76 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nasamsam at 152 drug suspek ang naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa isinagawang 120 anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bahagi ng Western Visayas sa buwan ng Oktubre 2026.

Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 51 ang drug personalities, 90 ang drug suspects, habang 11 naman ang kabilang sa iba pang kategorya.

Sa nasabing mga operasyon, nakumpiska ang humigit-kumulang 4,669.2 gramo ng hinihinalang shabu, 2.7 gramo ng kush, 2 gramo ng liquid marijuana, at 56.25 gramo ng marijuana.

Umabot sa Php31,761,800 ang kabuuang Standard Drug Price (SDP) ng mga nasamsam na ilegal na droga. Kabilang dito ang Php31,750,560 na halaga ng hinihinalang shabu, Php4,050 na halaga ng kush, Php440 na halaga ng liquid marijuana, at Php6,750 na halaga ng marijuana.

Batay sa tala ng PRO6, nanguna ang Iloilo Police Provincial Office (IPPO) sa dami ng nasamsam na hinihinalang ilegal na droga, kabilang ang 1,950 gramo ng shabu at 3 gramo ng marijuana. Sa 34 na operasyong isinagawa nito, 45 indibidwal ang naaresto, kabilang ang 39 na drug suspek at anim na kabilang sa iba pang kategorya.

Samantala, nakapagtala naman ang Iloilo City Police Office (ICPO) ng 52 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 65 indibidwal, kabilang ang 23 drug personalities at 42 drug suspects. Nasamsam din sa mga operasyong ito ang 1,296.5 gramo ng hinihinalang shabu, 2 gramo ng kush, 2 gramo ng liquid marijuana, at 25 gramo ng marijuana.

Nakapagtala naman ang Regional Police Drug Enforcement Unit 6 (RPDEU6) ng anim na operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 11 drug personalities at pagkakasamsam ng 1,236 gramo ng hinihinalang shabu.

Pinuri ni PRO6 Regional Director PBGen Randulf T Tuaño ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagtugis sa mga drug network upang maprotektahan ang mga komunidad bilang bahagi sa kampanya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”

“Hindi lamang pag-aresto at pagkumpiska ng ilegal na droga ang ating layunin, kundi ang pagbuwag sa mga drug network at pagpigil sa pagkalat nito sa ating mga komunidad. Nagpapasalamat din tayo sa ating mga kababayan sa kanilang tiwala, suporta, at mahahalagang impormasyong nakatutulong sa tagumpay ng ating mga operasyon. Sa pagkakaisa ng pulisya at mamamayan, mas mapagtitibay natin ang laban kontra ilegal na droga at mapoprotektahan ang ating mga pamilya at kabataan,” ani PBGen Tuaño.

Tiniyak din ng PRO6 na patuloy nitong paiigtingin ang intelligence gathering, koordinasyon ng mga police unit, at pakikipagtulungan sa mga komunidad upang matunton ang mga supplier, maputol ang daluyan ng ilegal na droga, at mapanagot ang mga sangkot sa kalakalan nito, alinsunod sa batas nang may paggalang sa lahat ng mga karapatang pantao.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1CJ3yNK85a/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply