Umabot sa Php3,631,200 halaga ng mga ipinagbabawal na gamot ang nasabat ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Purok 10-B, Lower Madapo, Barangay 8-A, Davao City noong hapon ng Setyembre 26, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Joseph R Arguelles, Regional Director ng Police Regional Office 11, ang suspek sa alyas na “Bryan”, 21 taong gulang, binata, isang construction worker, at residente ng nabanggit na lugar.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Regional Special Enforcement Team ng PDEA XI-Davao City Office kasama ang mga intelligence personnel ng San Pedro Police Station 2.
Nakuha mula sa suspek ang tinatayang Php3,468,000 halaga ng hinihinalang shabu at Php163,200 halaga ng 96 na tableta ng hinihinalang ecstasy, marked money, isang cellphone, drug paraphernalia gaya ng glass tooter, at isang sachet na may residue ng shabu.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa kampanya kontra iligal na droga, at agad na iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga komunidad. Ang pagkakaaresto sa suspek ay isa lamang sa serye ng mga operasyong isinasagawa upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Davao City.
Panulat ni Patrolwoman Shairra Rose A Aquino



