Arestado ang isang 30 anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng 455 reams ng iba’t ibang uri ng hinihinalang smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng Php295,750 sa isinagawang buy-bust operation noong Setyembre 12, 2026, sa isang tindahan sa Purok 1, Brgy. Rogus, Cauayan City, Isabela. Kinilala ang suspek na si alyas ‘Jimmy,’ may asawa, operator ng tindahan, at residente ng Brgy. De Vera, Cauayan City.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Cauayan City Component Police Station (Cauayan CCPS) ang operasyon, kung saan nakabili ang mga operatiba ng isang ream ng Bon International Nise Red cigarettes sa halagang Php1,000, na binubuo ng Php500 tunay na pera at Php500 boodle money. Sa isinagawang transaksyon, nakita rin sa plain view ang malaking bilang ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na walang maipakitang wastong tax stamps o kaukulang dokumento bilang patunay ng pagbabayad ng kinakailangang duties at excise taxes.
Kabuuang 455 reams ng sigarilyo ang nasamsam, kabilang ang 71 reams ng Bon International Nise Red, 176 reams ng Black Hawk Black Menthol American Blend, 97 reams ng Marshal Green Menthol 100’s, 43 reams ng Bravo Finest American Tobacco, 23 reams ng Red Nise Baisha, 15 reams ng Blue Nise Baisha, 20 reams ng RGD Menthol 100’s, limang reams ng Modern 100 Black Menthol, at limang reams ng Goldenleaf Filter Cigarettes.
Batay sa halagang Php650 bawat ream, tinatayang nasa Php295,750 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo. Isinagawa rin ang marking, inventory, at pagkuha ng larawan ng mga ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at isang Brgy. Kagawad ng Brgy. Rogus. Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay isusumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 2 para sa pagsusuri at kaukulang assessment.
Patuloy ang Isabela Cops sa pagpapaigting ng intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang maprotektahan ang lehitimong kalakalan, kita ng pamahalaan, at kapakanan ng publiko, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

