Nasabat ang halos Php24 milyong halaga ng hinihinalang smuggled goods sa tatlong magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Cebu, Sarangani Province, at Zamboanga City na nagresulta sa pagkaka-aresto ng siyam na indibidwal mula Oktubre 7 hanggang madaling-araw ng Oktubre 8, 2026.
Sa pangunguna ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, umabot sa Php23.99 milyon ang tinatayang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Sa Naga City, Cebu, nakarekober ang 33 kahon at 210 ream ng iba’t ibang puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱3.4 milyon, habang nagsasagawa ng hot-pursuit operation kaugnay ng naunang insidente ng pamamaril at isang indibidwal ang naaresto.
Sa Sarangani Province, nasamsam naman ng mga awtoridad ang 32 sako ng hinihinalang sodium cyanide na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 2,035 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng Php1.92 milyon.
Pinakamalaki naman ang nakumpiska sa Zamboanga City, kung saan walong indibidwal ang naaresto at 124 master case at 35 ream ng mga sigarilyong pinaghihinalaang ipinuslit, na nagkakahalaga ng Php18.67 milyon, ang nasamsam kasama ang isang de-motor na bangka.
“We know that smuggling is not something we can address through one operation alone. Kaya tuloy-tuloy ang trabaho natin—makinig sa impormasyon, kumilos agad, at makipag-ugnayan sa mga concerned agencies. We will keep doing our part to prevent these illegal goods from reaching the market,” (Alam natin na hindi sapat ang iisang operasyon lamang upang masugpo ang pagpupuslit ng mga ilegal na produkto. Kaya tuloy-tuloy ang ating pagkilos—pakikinggan ang mga impormasyong natatanggap, agad na tutugon, at makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya. Patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na produktong ito sa merkado,) saad ni PGen Nartatez.
Ayon kay PGen Nartatez, ipinakikita ng mga operasyon ang patuloy na pagsisikap ng PNP na pigilan ang pagpasok at pagkalat ng mga ilegal na produkto sa merkado. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa mga impormasyong natatanggap at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya.
Dagdag pa niya, kaakibat ng mga operasyong ito ang PNP Focused Agenda, partikular ang Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na naglalayong palakasin ang koordinasyon, mabilis na pagtugon, at epektibong pagpapatupad ng batas.
Patuloy na makikipagtulungan ang PNP sa mga ahensiya ng pamahalaan at lokal na awtoridad upang labanan ang pagpupuslit at iba pang ilegal na gawain, gayundin upang maprotektahan ang mga komunidad at lehitimong negosyo alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO

