Php20M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat ng PRO 10

0
195

Nasabat ng mga tauhan ng Police Regional Office 10 ang tinatayang Php20 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo at naaresto ang walong suspek sa Manticao, Misamis Oriental nito lamang ika-21 ng Hunyo 2025.

Pinangunahan ng mga tauhan ng Manticao Municipal Police Station ang naturang operasyon matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen ukol sa umano’y pagdidiskarga ng mga kontrabandong produkto mula sa isang fishing vessel, kilala sa lokal bilang kompit.

Naaktuhan ng mga pulis ang mga suspek habang nagbababa at nag-aayos ng mga kahon ng sigarilyo sa bahagi ng seawall.

Sa isinagawang follow-up search, nadiskubre rin ang karagdagang mga kontrabando sa loob ng isang truck van na nakaparada malapit sa lugar.

Kinilala ni Police Brigadier General Rolindo M. Suguilon, Regional Director ng PRO 10, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Tony”, 42 anyos, mula Maloso, Basilan; “Blito”, 18; “Randy”, 23; at “Edjun”, 19 — pawang mga residente ng Barangay Punta Silum, Manticao; “Falcon”, 23, mula Arena, Zamboanga City; “Brix”, 56, at “Rindon”, 23, mula Baliwasan, Zamboanga City; at “Haba”, 34, mula Barangay Luinab, Iligan City.

Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 500 kahon ng Red Delta brand na sigarilyo, kasama ang ginamit na fishing vessel at delivery truck sa transportasyon ng mga kontrabando.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng ating masigasig na kampanya sa pagpapatupad ng batas at pagbabantay sa ating mga hangganan. Ipagpatuloy natin ang ating layunin na protektahan ang mamamayan laban sa panganib ng ilegal na kalakalan,” pahayag ni PBGen Suguilon.

Panulat ni Pat Rizza C Sajonia