Php2.822M halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa Pototan, Iloilo; limang suspek, arestado

0
98

Umabot sa halagang Php2,822,000 ang humigit-kumulang 415 gramo ng hinihinalang shabu na nasamsam ng mga operatiba ng Police Regional Office 6 (PRO6) matapos maaresto ang limang indibidwal sa isang intelligence-driven buy-bust operation sa Brgy. Cahaguichican, Pototan, Iloilo dakong 3:55 ng hapon noong Oktubre 14, 2026.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Garry,” 46 taong gulang, ang anak nitong si alyas “Warren,” 23 taong gulang; alyas “Rolly,” 47 taong gulang, isang dating pulis; alyas “Bert,” 48 taong gulang; at alyas “Nick,” 37 taong gulang, isang seafarer, pawang residente ng Pototan, Iloilo, ang mga naaresto maliban kay “Nick,” na residente ng Mina, Iloilo at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isinagawang transaksiyon, umano’y nagbenta si alyas “Garry” ng isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer. Matapos ang transaksiyon, agad na nagpakilala bilang mga pulis ang operating team at inaresto ang mga suspek.

Bukod sa buy-bust item, narekober din ang dalawang knot-tied plastic sachet, dalawang regular-sized at dalawang small-sized na heat-sealed transparent plastic sachet na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu, gayundin ang buy-bust money at iba pang ebidensiyang may kaugnayan sa operasyon.

Pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) Teams 1 and 2 ang operasyon, sa koordinasyon ng Pototan Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, at Regional Intelligence Division 6.

Binigyang-diin ni Police Brigadier General Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, na ang matagumpay na operasyon ay resulta ng masusing intelligence gathering at koordinasyon ng mga yunit ng kapulisan. Aniya, patuloy na tututukan ng PRO6 hindi lamang ang mga direktang sangkot sa ilegal na transaksiyon kundi maging ang mga pinagmumulan at network ng distribusyon ng ilegal na droga.

“Ang laban kontra ilegal na droga ay hindi natatapos sa bawat pag-aresto. Mahalaga ring matukoy natin ang mga pinagmumulan, kasabwat, at mga network na nagpapalaganap nito sa ating mga komunidad. Sa pamamagitan ng masusing intelligence gathering at koordinadong operasyon, patuloy nating pipigilan ang kanilang mga ilegal na gawain,” pahayag ni PBGen Tuaño.

“Malinaw ang ating paninindigan, walang sinuman ang higit sa batas, anuman ang kanyang katayuan, propesyon, o pagkakakilanlan. Ang sinumang mapatunayang lumalabag sa batas ay dapat managot. Patuloy tayong kikilos upang maprotektahan ang ating mga pamilya, lalo na ang mga kabataan, mula sa masamang epekto ng ilegal na droga,” dagdag pa ng Regional Director.

 (PNP-RPIO6)

Leave a Reply