Nasabat ng mga operatiba ng Police Regional Office 10 ang nasa mahigit Php1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip ng apat na indibidwal sa Brgy. Sta. Cruz, Tagoloan, Misamis Oriental nito lamang gabi ng Mayo 28, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Christopher N Abrahano, Regional Director ng Police Regional Office 10, naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 10, Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 10, Tagoloan Municipal Police Station, at PNP Drug Enforcement Group 10.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Simod,” 30 anyos, High-Value Individual; alyas “Vin-Vin,” 33 anyos; alyas “Rhy,” 35 anyos, residente ng Tagoloan, Misamis Oriental; at alyas “Ford,” 34 anyos, residente ng Impasug-ong, Bukidnon.
Nakumpiska sa naturang operasyon ang walong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 150 gramo na nagkakahalaga ng Php1,020,000, isang cellular phone, isang transparent plastic cellophane, lighter, at buy-bust money.
“Patuloy nating paiigtingin ang kampanya laban sa krimen at ilegal na droga upang panatilihin ang kaayusan sa ating komunidad. Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon at pagkakaisa ng ating kapulisan,” saad ni RD Abrahano.
Source: RPIO PRO10



