Php181K halaga ng fishing assets sa ilegal na pangingisda, nakumpiska ng PRO4B; 2 arestado

0
174
Screenshot

Arestado ang dalawang indibidwal habang nakumpiska ang tinatayang nasa Php181,000 halaga ng motorized banca, mga fishing equipment, at sari-saring isda sa isinagawang maritime patrol operation malapit sa Tres Reyes Island, Brgy. Decabaitot, Linapacan, Palawan nito lamang August 24, 2026.

Isinagawa ang operasyon ng Linapacan Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Local Government Unit ng Linapacan, kasunod ng natanggap na impormasyon kaugnay sa isang green motorized banca na iniulat na ginamit umano para bumili ng mga isda na ilegal umanong nahuli.

Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa isang 50-year-old na boat captain kasama ang isang 26-year-old na mangingisda, parehong mga residente ng Sablayan, Occidental Mindoro, dahil sa paglabag sa Section 126 ng Republic Act No. 10654 kung saan ipinagbabawal ang pagkakaroon o pagbebenta ng mga ilegal na huling isda.

Narekober sa operasyon ang isang green motorized banca na mayroong dalawang YAMA 12-horsepower engine, aabot sa 200 kilo ng mga huling isda na may halagang  tinatayang Php26,000, dalawang ice boxes, at isang weighing scale, na may kabuuang halaga na aabot sa humigit-kumulang Php181,000.

Agad namang isinailalim sa kustodiya ng Linapacan MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa karagdagang dokumentasyon habang itinurn-over naman ang nahuling mga isda sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Coron para sa iba pang mga legal na proseso.

“We will continue to patrol our waters and act on information involving activities that threaten our marine resources. Our goal is to protect our fishing grounds and the livelihood of those who depend on lawful fishing” (Patuloy nating babantayan ang ating mga karagatan at kikilos batay sa mga impormasyong may kaugnayan sa mga aktibidad na nagbabanta sa ating yamang-dagat. Layunin nating protektahan ang ating mga pangisdaan at ang kabuhayan ng mga umaasa sa legal at responsableng pangingisda), pahayag naman ni PBGen Christopher R Dela Cruz, Regional Director ng PRO4B.

Bilang pagtalima sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tiniyak ng PRO-MIMAROPA ang patuloy at walang humpay na pagsasagawa ng parehong mga maritime operation upang bantayan ang ganitong mga ilegal na aktibidad para sa pangagalaga ng mga yamang dagat sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1BvK17t4Gb/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply