Nasamsam ang nasa Php170,000 halaga ng hinihinalang shabu sa pagpapatupad ng search warrant operation ng pulisya sa Barangay Katidtuan, Kabacan, Cotabato nito lamang dakong hatinggabi ng Hulyo 27, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Alan B Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, ang operasyon ay pinangunahan ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Cotabato Police Provincial Office at Kabacan Municipal Police Station, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na kinilalang si alias “Manay,” 41 anyos.
Nasamsam mula sa suspek ang anim na sachet na naglalaman ng tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na Php170,000, isang itim na coin purse, at isang itim na sling bag at nahaharal sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Hindi tayo titigil sa ating kampanya laban sa ilegal na droga. Ang bawat matagumpay na operasyon ay patunay ng ating matatag na paninindigan na protektahan ang ating mga komunidad laban sa mga taong sumisira sa kinabukasan ng ating mamamayan. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon upang matiyak na mananaig ang batas at mananatiling ligtas ang bawat pamayanan sa SOCCSKSARGEN,” ani ni PBGen Manibog.
Source: Police Regional Office 12



